RETIRADONG POLICE NIYARI NG RIDING IN TANDEM

Patay

NAVOTAS CITY – PATAY ang isang retiradong pulis matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang riding-in-tandem criminals kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang nasawing dating pulis na si Benjamin Ramos, 54, huling nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at residente ng 101 J.B. Santos St., Wawa, Brgy. Tangos, Navotas City.

Ayon kay Col. Ba­lasabas, bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng M. Naval St., corner Rajah Bagunda St., Brgy. Daanghari.

Nabatid na sakay ang biktima sa kanyang minamanehong motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng naturang lugar nang pagbabarilin ito ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at pawang nakasuot ng itim na jacket at full faced helmet.

Agad binawian ng buhay ang biktima sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Brgy. San Roque.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulis sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.