RETIRADONG PULIS BINARIL SA ULO

PATAY ang 66 -anyos na retiradong pulis makaraang malapitang barilin sa ulo ng dalawang hindi pa nakilalang mga salarin habang naglalakad kasama ang kanyang aso sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Robert Tortogo, may asawa at residente ng No. 17 Sto. Niño Interior St., Brgy. Payatas A, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-6:05 ng umaga kahapon nang maganap ang pamamaril sa di-kalayuan sa tahanan ng biktima sa Sto. Niño Interior St., Brgy. Payatas A, sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SSg Bienvenido DG Ribaya III ng CIDU, naglalakad umano ang biktima kasama ang kanyang aso nang biglang sumulpot ang dalawang di-kilalang lalaki mula sa likuran at malapitang binaril sa ulo ang retiradong pulis.

Nang duguang nakabulagta ang biktima ay agad na tumakas ang mga suspek sakay ng Quadcore taxi na may plakang AMA-1945 na mabilis na pinaharurot sa hindi nalamang direksiyon.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman ang motibo sa pamamaslang at makilala ang mga salarin. EVELYN GARCIA