RETIRADONG PULIS ITINUMBA NG TANDEM

SOUTH COTABATO – NAPATAY ang 59-anyos na retiradong pulis matapos ratratin ng riding-in-tandem assassins sa bahagi ng Zulueta St. Barangay Zone 1 sa Koronadal City noong Martes ng umaga sa lalawigan ito.

Napuruhan sa ulo ang biktimang si retired MSgt. Armando Domingo ng Purok Leganes, Barangay Zone 1 sa nasabing lungsod.

Sa inisyal na ulat na nakarating kay Koronadal PNP Chief Investigator Lt. Reynaldo Sotelo, pababa ng traysikel ang biktima na may ilang metro ang layo sa Gate 4 ng pamilihang bayan nang lapitan at ratratin ng tandem gunmen bandang alas-11 ng umaga.

Nabatid na dating nakatalaga ang biktima sa Koronadal PNP bago inilipat sa South Cotabato Provincial Police office na may dalawang taon na ang nakalipas.

Hindi na umabot pa ng buhay ang biktima nang isugod ito sa South Cotabato Provincial Hospital habang hindi naman namukhaan ng traysikel driver ang gunmen dahil naka-helmet ang driver ng motorsiklo habang naka-bonnet naman ang gunman.
Narekober sa crime scene ang limang basyo ng cal. 45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon. MHAR BASCO

Comments are closed.