RETIRADONG PULIS NAMARIL, GINANG TINAMAAN NG LIGAW NA BALA

ligaw na bala

LAGUNA – PATAY ang 44-anyos na ginang nang tamaan ng ligaw na bala ng kalibre 45 baril na ginamit ng isang retiradong pulis na namaril sa kanyang nakaalitan sa Brgy. Tipunan, Magdalena.

Ayon kay PCapt. Ronalyn Larrosa, hepe ng pulisya kay Acting Laguna-PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang biktimang si Marisol Salosang ng Brgy. Halayhayin.

Sumuko sa pulisya ang suspek na nakilalang si Benedicto Bandioan, 66, dating nakatalaga sa Camp Crame, Quezon City, may asawa, tubong Ilocos Sur, at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon, bandang alas-3:30 ng hapon nang maganap ang naturang insidente matapos hindi inaasahang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at kapitbahay nitong si Romy Garcia, isang magsasaka, makaraang bumili ito ng sigarilyo sa kanilang tindahan.

Dahil aniya rito, agaran umanong lumabas mula sa kanilang tirahan ang suspek sukbit ang kalibre 45 baril bago nito pinagtangkaang barilin si Garcia kung saan mapalad naman itong nakailag. Samantala, aksidenteng tinamaan ng ligaw na bala sa kanyang kanang braso ang biktima na tumagos sa kanyang dibdib habang nakatayo at planong kumain ng pansit sa loob ng kanilang bahay kasama ang kanyang mga anak.

Wala ang mister ng biktima na si Ronaldo sa kanilang tirahan nang maganap ang insidente kung saan humihingi ito ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng hustisya ang naganap na walang habas na pamamaril ng suspek.

Kaugnay nito, kasong homicide ang nakatakdang isampang kaso ng pulisya sa suspek. DICK GARAY

Comments are closed.