CAMP PACIANO RIZAL – PATAY ang isang retiradong pulis na nakatalagang hepe ng Bantay Bayan matapos pagbabarilin sa loob ng Bgy. Hall habang sugatang isinugod ang isa pa sa kanyang tauhan sa Bgy. Mapagong, lungsod ng Calamba.
Sa inisyal na ulat ni Public Information Officer (PIO) PLt. Chitadel Gaoiran,kinilala ang biktimang si Apolonio Comia Naredo Jr. 52-anyos, residente ng nasabing lugar.
Samantala, sumasailalim sa maselang operasyon ang tauhan ng biktima na si Rigor Rivera Medes, 38-anyos na nagtamo ng ilang tama ng bala sa kanyang katawan.
Dakong alas-7:30 Miyerkules ng gabi habang nasa loob ng Bgy. Hall ang mga biktima habang nanonood ng telebisyon nang biglang sumulpot ang suspek at pinaulanan ang mga ito ng bala at hindi na nagawa pang makapanlaban.
Binawian ng buhay si Naredo habang isinusugod sa pagamutan dahil sa tinamong mga tama ng bala sa kanyang ulo at katawan.
Tumakas na naglakad lamang ang suspek makaraan ang pamamaril tangay ang sling bag ng biktima patungo ng hindi mabatid na lugar. DICK GARAY
Comments are closed.