CAVITE- NAKAPOSAS, duguan at wala ng buhay nang matagpuan ng kanyang mga kaanak kahapon ang isang 26 anyos na lalaki sa madamong bahagi ng isang bakanteng lote sa Alfonso sa lalawigang ito.
Nikilala ang biktima na si Ralph Matthew Peredo, may- asawa na napaulat na nawawala nitong Marso 10.
Ayon sa asawa ni Peredo, nakatawag pa umano sa kanya ang biktima kung saan sinabi nito na pauwi na siya at bumibili lang ng pasalubong sa isang convenience store at yun na umano ang huli niyang komunikasyon sa asawa.
Base sa pahayag ni Maj. Rommel Dimaala, hepe ng Alfonso police station, nakakita umano ang kanyang mga tauhang ng isang empty shell ng .9mm caliber pistol sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ni Peredo.
Natagpuan naman sa Aguinaldo Highway, Silang, Cavite ang puting kotse ng biktima kung saan may mga bakas ng dugo ang unahang gulong nito.
Ayon sa kapatid na babae ni Peredo, nawawala na ang pera, gadgets, mga personal na gamit at ang relo ng biktima na nagkakahalaga ng P400,000 bukod pa ang 24 carat gold na kuwintas na nakasuot sa leeg nito.
Sa backtracking na isinagawa ng mga pulis sa dinaanan ng kotse ni Peredo, nakakuha ng kopya ng CCTV footages ang mga imbestigador kung saan nakunan ang kotse ng biktima na lumalabas mula sa isang transient house na pitong kilometro ang layo kung saan natagpuan ang wala ng buhay na biktima.
Doon na pinostehan ng mga pulis ang lugar at umaga ng Martes nang lumabas ang isang suspek na may suot na sling bag na ayon sa kapatid ni Peredo ay pag aari ng biktima.
Agad na hinuli ng mga operatiba ang suspect na nakilalang si Aljohn Samano, 27-anyos at residente ng naturang bayan.
Sa tanong ng mga pulis kay Samano kung bakit nakaposas ang biktima, nagpahiwatig umano ito na may isang retiradong pulis na siyang mastermind sa panloloob at pagpatay kay Peredo.
Ayon kay Dimaala, sasailalim sa isang interogasyon ang suspek.
ARMAN CAMBE