RETIRED AFP AT PNP OFFICIALS MAY STL

Panfilo Lacson

INAMIN ni Senador Panfilo Lacson na maraming retired military at police officials ang pumasok sa franchising ng Small Town Lottery ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) sa panahon ni Retired General Alexander Balutan bilang da­ting General Manager ng ahensiya.

Ito ang inihayag ni Lacson sa isinagawang Kapihan sa Senado na kung saan ay ibinunyag nito na halos lahat umano ng mga franchise ng STL na pag-aari ng mga retired military at police officials ay hindi nag-remit sa PCSO.

Paliwanag ng senador, base sa nakuha niyang impormasyon na ang ilan sa mga kumuha ng prangkisa ng STL ay mga dating provincial at regional director na alam ang kalakaran sa jueteng kaya’t halos lahat ng kinikita sa STL ay napupunta lamang umano sa bulsa ng mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ani Lacson, mabuti pa ang mga STL na pag-aari ng mga gambling lord ay nagre-remit kahit paano sa PCSO.

Subalit, iginiit ni Lacson na kahit nagre-remit  ang prangkisa ng STL na pag-aari ng mga gambling lord ay  kulang pa rin dahil wala pa sa 20 porsiyento ang binabayad ng mga ito sa PCSO kaya’t nalulugi ang naturang ahensiya sa operasyon ng STL.  VICKY CERVALES

Comments are closed.