MAKATI CITY – ISANG retired teacher ang napatay samantalang isa namang babae ang nasa malubhang kalagayan makaraang araruhin ang mga ito ng isang cement mixer truck kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot pa ng buhay sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan ang sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Myriam Tagudan Diaz, 67, residente ng 103-C 6th Avenue, Brgy. East Rembo, Makati City.
Patuloy namang inoobserbahan sa St. Luke’s Hospital sa Taguig City ang babaeng malubha ang kalagayan na hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pagkakakilanlan nito ng Makati City police.
Sumuko sa awtoridad ang drayber ng killer truck na nakilalang si Hancyl Gilo, 65, nakatira sa 65 Mabolo St., Brgy. Ibayo Tipas, Taguig City.
Batay sa imbestigasyon nina Police Executive Master Sergeant (PEMS) Jodel Lianza at Police Staff Sergeant (PSSg) Ariel Patricio, may hawak ng kaso, ng Makati City Traffic Bureau (MCTB), nangyari ang aksidente bandang alas-4:00 ng hapon sa panulukan ng Kalayaan Avenue at J.P. Rizal Extension, Brgy. East Rembo.
Napag-alaman na tumatawid sa kalsada ang mga biktima sa nabanggit na lugar na hindi alintala ang biglang pagdating nang humaharurot na mixer truck na minamaneho ni Gilo.
Hindi agad nakontrol ni Gilo ang manibela at nabangga ang mga biktima kung saan tumilapon ang babaeng biktima, samantalang si Diaz ay pumailalim at nasagasaan ng gulong ng naturang truck na nagdulot nang agaran nitong kamatayan.
Si Gilo ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at serious physical injury sa Makati City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.