RETIRED U.S. AIR FORCE, LIVE-IN PARTNER TIMBOG SA BUY BUST

NAHAHARAP sa paglabag sa kasong Sec. 5, 11 and 16 (Cultivation or Culture of Plants Classified as Dangerous Drugs) Article II of RA-9165 ang 36 anyos na retiradong U.S. Air Force (Spa­nish Foreign National) at kinakasama nitong 28-anyos na Filipina makaraang masakote sa ikinasang buy bust ope­ration ng pinagsanib na kagawad ng NCRPO Regional Intelligence Division (RID) Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), RSOG, Taytay at Taguig City PNP sa Bgy. Ususan nitong Huwebes ng hapon.

Base sa ulat ni NCRPO Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) Chief PMaj. Ryan Jay Orapa, nakilala ang suspek na si Raul Antonio Cisneros, tubong 10th Street, Queens Village, New York U.S.A. at kinakasama si Meljie Maquilling, tubong Bgy. Sibuling, Plaridel, Mizamis Occidental at pawang mga residente ng Nr. 411 Kamala Building 4th Level, Royal Palm Residence Acacia State, Brgy. Ususan, Taguig City.

Batay sa talaan ng Taguig City Police, nabatid na dati ng naaresto ang mga suspek noong nakaraang ika-20 ng buwan ng Hulyo taon 2019 kaugnay ng paglabag nito sa kasong Sec. 5 and 11 of RA 9165 (Selling and possession of Ecstacy Tablets) kung saan mapalad itong nakalaya.

Sa imbestigasyon, bandang alas- 2:30 ng hapon nang magkasa ng Anti-Illegal Drugs Operation ang mga operatiba sa bahay ng mga suspek habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang halagang P5 libong.

Lumilitaw sa report na isa sa naarestong drug suspect ng Taytay PNP ang nagbigay ng matibay na impormasyon kaugnay ng iligal na gawain ng mag-live-in partner kasunod ang inilatag na surveillance operation ng mga ito sa lugar.

Nakumpiska ng mga operatiba sa bahay ng mga suspek ang nasa 137 paso na may nakatanim na marijuana na iba’t iba ang laki, bilang ng apparatus at hindi pa mabatid na gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang halaga na umaabot sa P2,226,000.00.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa RDEU Custodial Faci­lity habang ang dalawang anak ng mga ito na isang 2 taong gulang na babae at apat na buwan na sanggol na lalaki ay nasa panga­ngalaga ngayon ng City Social Welfare and Deve­lopment (CSWD). DICK GARAY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *