BILANG regalo ng Senado sa Philippine National Police (PNP) sa pagdiriwang ng 122nd Anniversary Police Service, nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na ipapantay nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel ang kanilang retirement age.
Ayon kay Zubiri, mula sa kasalukuyang mandatory retirement age na 56 ng pulis, magiging 57 na.
Gayunpaman, ito ay ipanunukala pa lamang at dahil si Zubiri ang nangako bilang pasasalamat sa serbisyo-publiko ng PNP, positibo itong maipapasa sa Kongreso.
Sakaling maging batas, nangangahulugan na mapapalawig pa ng isang taon ang serbisyo ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na nakatakdang magretiro sa Disyembre batay sa kasalukuyang mandatory retirement age na 56.
Si Zubiri ang panauhing pandangal ng PNP kahapon at pinasalamatan ang pulisya sa mga pagbibigay ng proteksyon at kaligtasan sa buong Filipino.
Bukod sa planong dagdag-edad sa retirement age, nangako rin si Zubiri na pabibilisin ang deliberasyon sa PNP Modernization Act para sa mas pinahusay na serbisyo at performance ng organisasyon.
Inalok din ni Zubiri si Acorda na iabot agad sa kanya ang wish list para maidagdag na para sa pagba-budget sa susunod na taon.
“Budgeting season na, sabi ko nga kay Acorda, ibigay na sa akin ang wish list para maisama sa maipapasang budget para sa susunod na taon,” ayon pa kay Zubiri. EUNICE CELARIO