NAKAPAGTALA ng double-digit growth ang kontribusyon sa Personal Equity and Retirement Account (PERA) noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sinabi ng BSP na ang PERA contributions ay nasa P329.55 million hanggang noong katapusan ng 2022, tumaas ng 30% mula sa P253.35 million contributions na naitala noong 2021.
Ang PERA ay isang voluntary retirement account na layong tulungan ang mga Pilipino na may edad 18 at pataas na makapaghanda para sa kanilang retirement.
Ang PERA law, nilikha noong 2008 bilang Republic Act 9505, ay nagkakaloob ng tax benefits habang nagtatanim ng disiplina na makaipon ng pera sa pagbibigay ng annual contributions sa kanilang sariling account.
Hindi tulad sa mga umiiral na national o corporate pension schemes, sa PERA ay hindi kailangan ang salary deduction para makaipon ng pondo.
Pinapayagan ng PERA law ang mga indibidwal na magbukas ng hanggang limang PERA accounts at maaaring i-invest ang mga ito sa specific PERA-accredited product lines.
Ang maximum aggregate annual contribution ay P100,000 maliban sa overseas Filipinos na maaaring makapag-contribute ng hanggang P200,000 kada taon.
Ayon sa BSP, ang bilang ng PERA contributors noong 2022 ay tumaas ng 16% sa 5,100 noong 2022 mula 4,382 noong 2021.
Nasa 3,600 employed individuals ang nag-contribute ng P223.71 million sa PERA hanggang noong 2022.
May 721 OFWs at 785 self-employed individuals naman ang nag-invest ng P60.58 million at P45.25 million, ayon sa pagkakasunod.
Inilunsad ng BSP ang PERA noong 2016 sa ilalim ng R.A. No. 9505.