RETIREMENT PLAN PARA SA OFWs IPINALALATAG NG SOLON

Rep-Francisco-Datol-Jr

HALOS nasa 400,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang sa ngayon ay may edad na 45 pataas, na ang ibig sabihin ay ilang taon na lamang ay magsisipagretiro na ang mga ito.

Subalit, kaakibat ng malaking posibilidad ng pagbabalik-Pilipinas ng mga OFW na ito, karamihan sa kanila ay walang retirement plan o buwanang pensiyon na maaaring tanggapin sa panahong hindi na sila nagtatrabaho.

“Millions of OFWs will be reaching retirement age in the coming years in batches of hundreds of thousands. Chances are most of them have no social security coverage and have made little or no provisions for retirement and emergency health care,” pahayag ni Senior Citizen partylist Rep. Francisco Datol Jr.,  na miyembro ng House Committee on Population and Family Relations.

Kaya naman nanawagan ang naturang kongresista sa pamahalaan, gayundin sa pribadong sektor na agad na bumalangkas ng ‘retirement packages’ para sa mga OFW na mahihinto na ang pagtatrabaho sa ibang bansa sa mga susunod na taon.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa kabuuang bilang na 2.3 million OFWs, nasa 17.4 porsiyento o halos 400,000 sa mga ito ang tumuntong na sa edad 45 pataas.

Nangangahulungan umano na sa susunod na 10 taon ay magsisipagretiro na ang mga ito at tiwala naman ang kinatawan sa Kamara ng Senior Citizen partylist na mayroon pang sapat na panahon ang pamahalaan upang mapaghandaan ito.

Partikular na tinukoy ni Datol ang Overseas Filipino Bank (OFBank), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang mga institusyon o ahensiya ng gobyerno na maaaring magtulungan para bigyan ng katuparan ang mungkahi niyang magkaroon ng kaukulang ‘retirement care’ para sa OFWs.

“I am certain these institutions can put together a program that can be sustained by a combination of direct and indirect premiums,” pahayag pa ng mambabatas kung saan iginiit niya na ang retirement program na ibibigay ay dapat maging bukas kapuwa sa hanay ng documented at undocumented OFWs.

Aniya, sa pamamagitan ng samahan ng licensed recruitment agencies at nabanggit na mga ahensiya, maaaring mai-enroll sa ‘retirement care program’ ang mga documented OFW.

Ipinanukala rin ni Datol ang paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng mobile apps at iba pang financial technologies para maging madali sa OFWs ang paghuhulog o pagbabayad ng kanilang retirement plan premium.

Para naman sa mga ‘financiallyable OFW’ ay maaari aniyang ipaubaya sa private insurance o preneed companies, kasama na ang health maintenance organizations, ang pag-­aalok sa kanila ng retirement packages.

Samantala, may suhestiyon pa si Datol na sa pagkakataong hindi ma­ging sapat ang malilikom na premiums para tustusan ang OFW retirement care program ay magkaroon ng ‘back up fund’ na galing sa nakolektang buwis, kita sa pagbebenta ng state assets o kaya’y mula sa administrative fees na sinisingil ng ilang government agencies.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.