RETURNING OFW MULA EGYPT IKATLONG KASO NG OMICRON

NAITALA ang ikatlong kaso ng Omicron variant ng COVID 19 sa bansa sa isang returning overseas Filipino (ROF) na nagmula sa Qatar ngunit bumiyahe ng Egypt.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang ROF ay isang 36-anyos na lalaki at isang sea-based overseas Filipino worker.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dumating ito sa Mactan-Cebu International Airport noong Nobyembre 28 sakay ng Qatar Airways flight QR 924 at nakuha ang kanyang sample noong Disyembre 4 at lumabas ang resulta kinabukasan.

Dagdag pa ni Vergeire tinapos ng lalaki ang kanyang isolation period bago ito umuwi sa Cavite noong Disyembre 17, kung saan naman siya sumailalim sa home quarantine.

Noong Disyembre 18 lumabas ang resulta ng genome sequencing sa sample ng lalaki at kahapon ay negatibo ang resulta ng swab test nito.

Tinatapos na lamang ng lalaki ang kanyang home quarantine period at nananatili itong asymptomatic.

Nasuri na ang tatlong close contacts ng lalaki at pawang nag-negatibo ang mga ito sa COVID 19 bagamat nasa ilalim pa rin ng home quarantine.

Inaalam na ng DOH ang test results at kondisyon ng iba pang pasahero ng naturang flight para malaman kung may positibo sa mga ito sa nakahahawang sakit.