RETURNING OFWs HINAHARANG SA SAUDI

Saudi

MAYNILA – LABIS nababahala ang mga nasa bakasyong overseas Filipino worker (OFW) sa Filipinas na posib­leng maantala ang kanilang hanapbuhay sakaling bumalik na sa kanilang pinapasukan nang mapaulat na ilan ay hinaharang sa Saudi Arabia.

Ang ulat ay nakarating na rin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsasabing may ilang OFWs na hinaharang papasok ng Saudi Arabia kasunod ng Coronavirus disease (COVID-19) scare.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DFA Assistant Secretary Ed Meñez na maaaring mayrooon lamang hindi pagkakaunawaan kaya gusto nilang maliwanagan agad ang usapin mula sa gobyerno ng Saudi Arabia.

Ayon kay Meñez, wala silang alam na may ban na pinaiiral ang Saudi Arabia sa mga OFW.

Sa kabila ng ilang reports na ito, inihayag ng kalihim na mahigpit na naka-monitor sa sitwasyon ang embahada ng Filipinas sa Riyadh at ang mga natatanggap na report ay masusing pinoproseso at bineberipika.

Sa ilang natanggap na reports, sinasabing hindi muna pinapapasok sa Saudi Arabia ang pilgrims at ang tourist visa ay hindi muna nila iiisyu sa mga mamamayan ng mga bansang may COVID-19. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.