NEGROS OCCIDENTAL – MAAYOS na ang lagay ng isang pulis makaraang mabaril ng kanyang kaibigan na pulis din sa Sagay City.
Ayon kay PMaj. Antonio Benitez, hepe ng Sagay City Police Station, kinilala ang nabaril na si Pat. Axel Lago ng Purok Mabinuligon, Barangay Taba-ao, Sagay City at assign sa Southern Negros, habang ang suspek na si PCpl. Elvir Dela Cruz, 26-anyos ng Purok Hiliusa, Barangay Fabrica, Sagay City at assigned sa Zamboanga.
Dahil parehong nakauwi sa Sagay noong Bagong Taon, nagkasundo ang dalawa na magkita at maghapunan sa bahay ni Dela Cruz.
Habang umiinom ang dalawa matapos kumain, nagkasagutan umano ang mga ito.
Sinubukang pigilan ng mga residente ang dalawang pulis ngunit muli silang nagkasagutan hanggang nabaril ni Dela Cruz si Lago sa likod gamit ang kanyang government-issued service firearm.
Agad namang sumuko si Dela Cruz sa mga pulis.
Ayon kay Benitez, wala namang personal grudge ang dalawang pulis dahil matalik na magkaibigan ang mga ito ngunit hindi pa matukoy kung ano ang kanilang pinag-awayan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.