REV GOV TINUTULAN NG SENADOR

SEN WIN GATCHALIAN

HINDI sang-ayon si Senador Sherwin Gatchalian sa mga nagsusulong ng revolutionary government dahil magreresulta lang  ito sa pagkawatak-watak ng mga Filipino.

Naniniwala ang senador na maaaring gusto lang sumipsip ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) kay Presidente Rodrigo Duterte kaya pilit nila itong sinusulong.

“Ang initial reaction ko, ‘tong grupo na ito ay gustong mapalapit sa ating Pangulo at gustong sumipsip sa ating Pangulo,” ani Gatchalian.

“For example, bakit hindi ginawang ‘For The Filipino people’ ang pangalan nitong grupo ito, bakit ang ating Pangulo? But then again our President has already spoken through his Spokesperson and Legal Adviser and pinakamaganda dito makausap ang grupo na ito dahil hindi tama itong ginagawa nila sa ganitong panahon,” ani Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, ang pagkakaroon ng isang revolutionary government ay magreresulta lang ng pagkakahati-hati ng mga Pinoy.

“Ang aking nakikita dito ay mahahati tayo, from health crisis, pupunta tayo sa economic crisis, lalaki ang deficit and then political crisis dahil mag-a-away-away tayo at hindi ‘yun ang kailangan natin ngayon,” ani Gatchalian.

Sa panahon ng krisis, hindi aniya ito ang nakikita niyang solusyon sa problema sa COVID-19 pandemic.

“We’re in the midst of a very deep and prolonged crisis, in fact itong crisis na nararanasan natin ngayon, hindi natin alam kung kelan matatapos ‘to. Una, kala natin ‘pag GCQ, patapos na ito, pababa na, huhupa na ang bilang ng virus sa atin pero hindi pa,” ani Gatchalian.

“Ngayon, itong revolutionary government, magwawatak-watak tayo dito at nakikita ko kung itong konsepto na ito will take effect, idi-dissolve nito ang mga institutions natin tulad ng Senado, tulad ng Kongreso, even the judiciary, mawawala yung check and balance.”

Banggit pa ni Gatchalian, maaaring magkaroon ng malalim na hidwaan or pagkawatak-watak sa ating lipunan na hindi kailangan ngayon dahil ang kailangan natin ngayon ay magsama-sama para labanan ang Covid. LIZA SORIANO

Comments are closed.