REVAMP SA LOCAL POLICE

PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Interior and Local Government at Philippine National Police na magpatupad ng balasahan sa pamunuan ng mga local police para palakasin ang puwersa laban sa kriminalidad bunsod ng sunod sunod na pananambang sa local government officials.

Bago nagtungo sa Negros Oriental si Secretary of Interior and Local Government (SILG) Atty Benjamin ‘Benhur’ Abalos para personal na kumuha ng update sa kaso ng pinaslang na gobernador ng lalawigan, inihayag nito na posibleng magsagawa ng reshuffle sa hanay ng pulisya.

Nagtungo si Abalos kahapon sa nasabing lalawigan para opisyal na panumpain si Negros Oriental Vice Governor Carlo Jorge Joan Reyes bilang bagong gobernador kapalit ng napatay na si Gov. Roel Degamo.

Inihayag ni Abalos, ang nakaambang balasahan sa pulisya bunsod ng sunod sunod na insidente ng mga pananambang sa mga local officials kung saan naitala si Degamo na pinakahuling biktima.

Magugunita na tinambangan din si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. na nakaligtas sa insidente subalit napatay ang apat niyang security na kinabibilangan ng tatlong pulis.

Patay din sa ambushed si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda na ikinasawi ng limang iba pa .

Bagaman sugatan, nakaligtas sa kamatayan si Datu Montawal Maguindanao del Sur Mayor Ohto Caumbo Montawal na inambus ng riding in tandem sa Pasay City.

Dahilan upang ipag utos ng DILG at ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin sa mga local police officer na magsagawa ng threat assessment hanay ng mga pulitiko o local government unit officials sa kanilang nasasakupan upang hindi na maulit ang pagtatangka sa buhay ng mga local executives.

Hindi umano maaaring maging kampante ang mga pulis kaya at kailangang ipakita sa sambayanan na seryoso ang pulisya sa pagsugpo sa kriminalidad lalo na sa kaso ng pag-atake sa mga elected officials.

Bunga ng sunod sunod na pananamabang sa mga LGU’s official nitong mga nakalipas na araw ay iniutos ng kagawaran na paiigtingin pa ang police visibility sa buong bansa upang maibsan ang pangamba ng local officials at komunidad laban sa kriminalidad.

Samantala , tiniyak ng liderato ng PNP at AFP na lahat ng paraan ay kanilang gagawin para mahuli ang mastermind at iba pang mga sangkot sa pagpatay kina Degamo at walong iba pa. VERLIN RUIZ