REVAMP SA PNP

Debold Sinas

MATAPOS ang bahagyang galawan sa ilang top key position sa Philippine National Police (PNP) hierarchy at one star rank promotion sa anim na senior police officer nitong nakalipas na Linggo, nagpatupad naman ng malawakang balasahan sa hanay ng Pambansang Pulisya.

Simula ngayong Martes,  Disyembre 1 ay opisyal ng  manunungkulan sa kani-kanilang mga bagong position ang may 27 senior officers ng PNP.

Nilinaw ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na  ang ipatutupad na balasahan sa hanay ng ilang key positions sa loob ng PNP ay base sa  consensus ng command group at bunsod na rin sa napipintong pagreretiro ng pitong heneral.

Nabatid na ang ilan sa mga magreretiro ay hini­ling na mag non-duty status habang hinihintay ang kanilang 56 kaaraw o  mandatory retirement day.

Apektado sa ipinatupad na reshuffle si P/Maj.Gen. Celso Pestaño na inilipat sa Office of the Chief PNP mula sa Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM).

Ang hahalili kay Pestaño sa DICTM ay si P/Brig.Gen. Albert Ferro na hinugot  sa Police Regional Office (PRO)-7 Central Visayas.

Habang ang pinuno ng Quezon City Police District (QCPD) na si P/Brig. Gen. Ronnie Montejo ay hinirang na  incoming Regional Director ng Central Visayas-PNP kapalit ni Ferro.

Itinalaga naman sa Police Regional Office (PRO)- 9 Zamboanga Peninsula si P/Brig. Gen. Rolando Ylagan ang pinuno ng Northern Police District (NPD) bilang kahalili ni P/Brig.Gen. Jesus Cambay na itinalaga bilang DIPO Southern Luzon na pumalit kay P/Maj. Gen. Jonas Calleja na inilagay sa  Office of the Chief PNP.

Inilipat naman sa Directorate for Plans si P/Brig. Gen. Rene Pamuspusan ang kasalukuyang Regional Police Director ng Police Regional Office (PRO)- 6 Western Visayas, papalitan siya ni P/Brig.Gen. Rolando Miranda ang District Director ng Manila Police District (MPD).

Mula naman sa NCRPO, inilipat si P/Brig. Gen. Ronald Olay sa Directorate for Operations (DO) habang si P/Brig. Gen. Antonio Yarra ay inilipat mula NCRPO patungong Police Regional Office (PRO)-4A CALABARZON.

Mula naman sa Office of the Chief PNP, inilipat naman sa Directorate for Plans si P/Brig. Gen. Walter Castillejos habang balik naman sa NCRPO si P/Brig.Gen. Eliseo Cruz.

Inilipat naman sa DICTM si P/Brig.Gen. Armado De Leon mula sa Directorate for Human Resource Doctrine and Deve­lopment at papalitan ito ni P/Brig. Gen. Herminio Tadeo Jr na siya namang papalit kay De Leon.

Mula sa DIPO Southern Luzon, inilipat sa Office of the Chief PNP si P/Brig. Gen. Mario Rariza Jr.

Inilipat naman si P/Brig.Gen. Wilfredo Cayat mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) patungo sa Office of the Chief PNP.

Napunta naman sa PNP Communications and Electronic Services si P/Brig.Gen. Conrado Pajarillo Gungon Jr. mula sa Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) sa Western Mindanao.

Pinalitan naman  ni Gungon si P/Brig.Gen. Joey Runes sa Communications and Electronic Services na napunta naman sa Office of the Chief PNP.

Mula naman sa Directorate for Operations, inilipat si P/Brig. Gen. Danilo Macerin sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kapalit ni P/Brig. Gen. Ronald Olay na inilipat din sa Office of the Chief PNP.

Nabatid din na may pitong pang senior officers na may ranggong Colonel ang itinalaga sa bago nilang puwesto kabilang dito ang da­ting tagapagsalita ng PNP na si P/Col. Ysmael Yu.

Si Col. Arcadio Jamora, Jr.  ay inilagay na  acting Commandant of   Cadets ng  PNP Academy sa Silang, Cavite habang si Col. Jose Santiago Jr. ay magsisilbing  executive officer ng  DIPO Western Mindanao.

Hinirang naman si Col. Narciso Domingo bilang deputy director for Operations ng  Police Regional Office (PRO)-3 habang si Col. Juan Añonuevo ay  executive officer ng Directorate for Integrated Police Operations para sa  Northern Luzon. VERLIN RUIZ

Comments are closed.