KUMPIYANSA si Finance Secretary Carlos Dominguez III na makakabawi ang bansa sa revenue collection sa gitna pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig sa P4.5 trillion 2021 national budget, batay sa iprinisintang projection ay aabot lamang sa P2.5 trillion ang revenue collection ngayong 2020 na mas mababa kumpara sa P3.1 trilliion na nakolekta noong 2019.
Ang pagbaba sa revenue collection ngayong taon ay resulta pa rin ng hindi inaasahang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Samantala ay inaasahan naman ni Dominguez na makaka-recover nang bahagya ang revenue collection sa 2021 na tinatayang aabot sa P2.7 trillion at tataas pa sa P3 trillion sa 2022.
Iginiit ng opisyal na malaking tulong sa pagtaas ng kita ng pamahalaan ang koleksiyon mula sa TRAIN Law.
Nitong 2019, aniya, ay tumaas sa 91% ang revenue collection sa ilalim ng TRAIN law o katumbas ng 14.5% ng GDP noong nakaraang taon na itinuturing na ‘best performance’ sa loob ng 22 taon.
Itinutulak naman ni Dominguez ang pag-apruba sa mga panukala tulad ng CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises), FIST (Financial Institutions Strategic Transfer) at GUIDE (Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery) ACT na sesentro sa pagbangon at pagbibigay suporta sa mga Filipino sa gitna ng pandemya.
Binigyang-diin din ng kalihim ang tuloy-tuloy na implementasyon ng ‘Build, Build, Build’program dahil ito ang may pinakamalaking multiplier effect sa pagsigla ng ekonomiya. CONDE BATAC
Comments are closed.