REVENUE NG PAGCOR TUMAAS NG 68.11%

Erick Balane

BAGAMA’T wala pang naitatalagang bagong chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ikinasiya niya ang ipinamalas na revenue collections ng nasabing tanggapan, indikasyon na mas madaragdagan pa ang sektor na mapagkakalooban ng kaukulang tulong at suporta para sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sa kabila ng pinsalang idinulot ng COVID-19, nagpakita pa rin ng senyales ang PAGCOR sa performance collections nito na nagrehistro ng 68.11% increase year-on-year o pagtaas ng kita sa unang kahalati ng taong 2022.

Ang state-run gaming firm ay nakapagtala ng P26.70 bilyong koleksiyon mula Enero hanggangung Hunyo ngayong taon, mas mataas kung ihahambing sa nakaraang taong koleksiyon na P15.88 bilyon lamang.

Ang nasabing figure ay mas mataas ng 9.39% kumpara sa target na kita ng PAGCOR na P24.40 bilyon para sa unang anim na buwan ngayong 2022 fiscal year.

Tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinisikap nina Commissioner Lilia Catris Guillermo at Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. na makuha ang tax collection goal ngayong fiscal year, alinsunod sa direktiba nina Presidente Marcos at Finance Secretary Benjamin Diokno habang inaantabayanan ang pagbawi sa tax investigations na nauna nang sinuspinde ni former BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, isang lingo bago ito bumaba sa puwesto.

Ayon sa report ng PAGCOR, lumaki rin ng P2.15 bilyon ang netong kita ng ahensiya mula sa P79.07 milyon noong unang semester ng taong 2021.

Ang promising gaming outlook ng bansa ay mas pinalakas ng pagluluwag ng community quarantine at mga paghihigpit sa paglalakbay, pagtaas ng rate ng pagbabakuna sa mga gaming personnel at mga bisita, gayundin ng pagpapatupad ng mahigpit na protocol sa kalusugan.

Ito ang mga dahilan kung bakit mas sumigla ang kontribusyon ng PAGCOR at tumaas ng 62.69% mula sa P13.05 bilyon sa unang anim na buwan ng 2021 hanggang sa P21.23 bilyon ngayong 2022.

Sa P21.23 bilyong PAGCOR contributions, ang malaking bahagi nito na P11.71 bilyon ay napunta sa National Treasury bilang 50% na bahagi ng gobyerno, P6 bilyon ang napunta sa pambansang kaban bilang cash dividend habang ang P1.23 bilyon ang napunta naman sa BIR bilang franchise tax.

Sinabi ni outgoing PAGCOR chair at CEO Andrea Domingo na ngayong taon ay nag-remit ang PAGCOR ng kontribusyon sa Philippine Sports Commission (P578.18 milyon), Lupon ng Dangerous Drugs (P30 milyon), Board of Claims ng Department of Justice (P22.70 milyon), at National Government Agencies (P52.39 milyon) – bukod pa sa inilaang P1.23 bilyon para pondohan ang mga socio-civic program ng gobyerno at maging ang corporate social responsibility ng PAGCOR.

Sa panig ng BIR na nagdiwang ng Ika-118 anibersaryo sa PICC nitong Agosto 2, inihayag ng top management na pinunan na nila ang mga bakanteng posisyon sa main office mula division chiefs, service chiefs, assistan commissioners at mga deputy commissioners, gayundin ang mga posisyon sa regional directors at mga assistants nito.

Ang reorganization sa hanay ng mga revenue district officer at kanilang mga assistant ay posibleng isagawa sa unang linggo ng Enero 2023 pagkatapos salain ni Commissioner Guillermo ang performance tax collections na gagawing basehan sa kung dapat manatili, ilipat, palitan o alisin sa puwesto ang sinuman na magtatala ng pagbagsak ng kanilang tax collections.

Ilan sa mga nagpamalas ng magandang tax collection performance sa National Capital Region sina BIR Regional Directors Ed Tolentino (East NCR), Jethro Sabariaga (South NCR), Dante Aninag (Makati City), Bobby Mailig (Quezon City), Gerry Dumayas (Caloocan City) at sina Metro Manila Revenue District Officers Rodel Buenaobra (Novaliches), Arnold Galapia (QC North), Tony Ilagan (QC South), Antonio Mangubat (East Baulacan), Timm Renomeron (Caloocan City), Alma Celestial-Cayabyab (QC Cubao), Cynthia Lobo (Mandaluyong), Abdullah Bandrang (Marikina), Deogracias Villar (Pasig), Bethsheba Bautista (West Makati) at former RDO Rufo Ranario (East Makati) na na-promote bilang bagong assistant regional director sa Cagayan De Oro City.