REVENUES NG MAYNILA LUMALAGO

INIULAT ni Manila Mayor Honey Lacuna na patuloy ang paglago ng revenues ng lungsod, indikasyon ito ng pagtitiwalang ibinibigay ng publiko sa kasalukuyang administrasyon.

Sa regular na flag raising ceremony, sinabi ni Lacuna na ang paglago sa kita ng kabisera ng bansa ay isang magandang balita para sa mga Manileño, dahil mas maraming proyekto ang mapopondohan nito at mas maraming residente ng Maynila ang makikinabang dito.

“Batay sa datos na a­king natanggap nitong mga nakaraang linggo ay patuloy pong nagtitiwala sa atin ang ating mga kababayan na may mga kalakal dito sa ating lungsod, Pa­tuloy na tumataas ang ating revenues isang bagay na dapat nating pasalamatan dahil sa mga pumapasok na pondo sa atin, mas marami po tayong programa at proyektong magagawa,” ani Lacuna.

Pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng stakeholders pati na ang kanyang kapwa manggagawa, partikular si Vice Mayor Yul Servo-Nieto, city councilors, city officials na napaka- supportive sa lahat ng mga programa kaya naman ito ay nagtagumpay.

Binanggit din nito, ang tulong mula sa private sectorat umaasa na hindi mapapagod ang mga ito sa pagsuporta sa pamahalaang lokal ng Maynila.

Sa kanyang talumpati, tiniyak din ni Lacuna na ibibigay nito ang lahat ng kanyang lakas upang mapagsilbihan ang mamamayan ng Maynila.

“Di po ako pwedeng maubusan ng lakas, dahil tayo po ay pinagkatiwalaan ng ating mga kapwa at ako po ay nagpapasalamat dahil lagi ko namang sinasabi di ko naman po kayang mag-isa. Nandyan po ang aking VM, Sangguniang Panlungsod, mga namumuno sa iba’t-ibang departamento at maging ang lahat ng ordinaryong kawani ng ating pamahalaan. Maraming, mara­ming salamat po sa inyo,” aniya.

Samantala, binati ni Lacuna ang Manila Police District sa pamumuno ni BGen. Andre Dizon at ang lahat ng mga kaugnay na departamento ng lungsod, kung saan ang pinagsamang pagkilos ay labis na nakatulong sa peace and order sa dalawang mala­king festivals na ipinagdiwang sa lungsod.

Labis na ikinatuwa ni Lacuna ang maayos at mapayapang pagdaraos ng Feast of the Black Nazarene noong Enero 9 at ang Feast of the Sto. Nino na sabay na ipinagdiwang sa Tondo at Pandacan nitong Sabado at Linggo.
VERLIN RUIZ