REVERSE COLOR-CODING SCHEME

MASAlamin

NASA P2.4 bilyon kada araw sa bansa ang nasasayang dahil lamang sa mabigat na trapiko, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa loob ng isang taon ay aabot itong matatawag na lost income o savings sa P643 bilyon o higit pa lalo’t nagtaasan na ang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin.

Sa ganang akin mga kamasa, maaaring tulong na rin sa pagsisikap ng MMDA, may mga simpleng solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Una, ipatupad ang odd-even scheme para sa mga pampribadong sasakyan sa buong Metro Manila. Kalahati kaagad ng bilang ng mga ito ang mawawala sa mga lansangan.

Ikalawa, tanggalin ang mga terminal ng mga pamprobinsyang mga bus mula sa EDSA, at mag-establisa ng terminal sa Valenzuela City para sa mga papuntang Norte, at isang terminal naman sa Alabang para sa mga bus na biyaheng pa-South.

Ikatlo, i-tow lahat ng sasakyan na ginagawang parking area ang mga side street at mga pampublikong lansangan, ipa­tupad ng mahigpit ang “no garage, no vehicle” policy.

Ikaapat, ibalik at isaayos ang mga U-Turn slot na unang ipinatupad ni dating MMDA chairman Bayani Fernando. Kung kinakailangang tanggalin ang mga stoplight, e tanggalin na ang mga ‘yan lalo’t wala namang nagbabantay.

Ika-lima, tanggalin ang mga kolorum na bus sa EDSA at sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.

Ika-anim, bigyan lamang ng isang minuto sa bus stop ang mga bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero sa EDSA.

Ika-pito, panatili­hing may mga kawani ng MMDA  sa lahat ng busy intersection sa lahat ng oras hanggang gabi.

Ika-walo, paggamit ng sentido komun sa pag-iskedyul ng implementasyon ng mga paggawa sa mga pampublikong lansangan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga lokal na pamahalaan.

Ngayon ang pinakamatinding suhestiyon ko sa MMDA upang once and for all ay mabawasan ang mga sasakyan sa ating mga lansangan ay ang reverse-color coding. Kaso kailangan ng political will e, kung mayroon lamang kaparehong political will ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa level ng implementasyon, e kakayanin.

Reverse color coding: Ang mga plakang nagtatapos sa mga numerong 1 at 2 lamang ang maaaring bumagtas sa mga lansangan kada Lunes, 3 at 4 naman kada Martes, 5 at 6 kada Miyerkoles, 7 at 8 kada Huwebes, 9 at 10 kada Biyernes at ang Sabado at Linggo naman ay free for all.

Comments are closed.