REVERSE COLOR-CODING SCHEME SA METRO MANILA

MASAlamin

HARAPIN  nating mga Filipino  ang pang-araw-araw na kalbaryo at reyalidad lalong-lalo na sa Metro Manila: ang mabigat na trapiko. Para kay MMDA Chairman Danny Lim kailangang obserbahan ng mga Filipino, motorista man, pasahero o pedestrian ang disiplina sa mga lansa­ngan. At para rin sa kanya at sa buong MMDA, ang solo lamang sa sasakyan ay bawal sa EDSA na na­ging tampulan ng tuya sa social media.

Nasa P2.4 bilyon kada araw ng pinagsamang pondo ng bawat mamamayan at pamahalaan ang nasasayang dahil lamang sa mabigat na trapiko sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa loob ng isang taon ay aabot itong matatawag na lost income o savings sa P643 bilyon o higit pa lalo’t nagtaasan na ang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin.

Sa ganang akin mga kamasa, maaaring tulong na rin sa pagsisikap ng MMDA, may mga simpleng solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Una, ipatupad ang odd-even scheme para sa mga pampribadong sasakyan sa buong Metro Manila. Kalahati kaagad ng bilang ng mga ito ang mawawala sa mga lansangan.

Ikalawa, tanggalin ang mga terminal ng mga pamprobinsiyang  bus mula sa EDSA, at mag-establisa ng terminal sa Valenzuela City para sa mga papuntang norte, at isang terminal naman sa Alabang para sa mga bus na biyaheng pa-south.

Ikatlo, i-tow lahat ng sasakyan na ginagawang parking area ang mga side street at mga pampublikong lansangan, ipatupad nang mahigpit ang “no garage, no vehicle” policy.

Ikaapat, ibalik at isaayos ang mga U-Turn slot na unang ipinatupad ni dating MMDA chairman Bayani Fernando. Kung kinakailangang tanggalin ang mga stoplight e tanggalin na ang mga ‘yan lalo’t wala namang nagbabantay.

Ikalima, tanggalin ang mga kolorum na bus sa EDSA at sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.

Ikaanim, bigyan lamang ng isang minuto sa bus stop ang mga bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero sa EDSA.

Ikapito, panatili­hing may mga kawani ng MMDA ang lahat ng busy intersection sa lahat ng oras hanggang gabi.

Ikawalo, paggamit ng sentido komun sa pag-iskedyul ng implementasyon ng mga paggawa sa mga pampublikong lansangan ng Department of Public Works and Highways at ng mga lokal na pamahalaan.

Ngayon, ang pina­kamatinding suhestiyon ko sa MMDA upang once and for all ay mabawasan ang mga sasakyan sa ating mga lansangan ay ang reverse-color coding. Kaso kailangan ng political will e, kung mayroon lamang kaparehong political will ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa level ng implementasyon e kakayanin.

Reverse color coding: Ang mga plakang nagtatapos sa mga numerong 1 at 2 lamang ang maaaring bumagtas sa mga lansangan kada Lunes, 3 at 4 naman kada Martes, 5 at 6 kada Miyerkules, 7 at 8 kada Huwebes, 9 at 10 kada Biyernes at ang Sabado at Linggo naman ay free for all.

Sa MASAlamin ninyo unang nadinig ‘yan mga kamasa. Kaya kaya ng MMDA?

Comments are closed.