REVILLAME AT MANILA TEACHER, NAG-DONATE NG P3M SA BICOL TYPHOON VICTIMS

Paghupang-paghupa ng bagyong Kristine sa Bicol noong Sabado, kaagad na nagtungo sa Naga City si TV host at ngayo’y senatorial candidate Willy Revillame kasama ang Manila Teachers Partylist para magpaabot ng tulong sa mga biktima ng bagyo roon.

Personal na inabot ni Revillame ang P3 milyong tseke kay Angat Buhay Foundation Chairman  at dating Vice President Leni Robredo sa kanyang tanggapan.

Ayon sa TV host, “kasagsagan ng bagyo sa Bicol nang magdesisyon kami ng Manila Teachers Partylist na mag-ambag kami para sa mga kababayan natin sa Bicolandia”.

“Taga-Naga city po ang aking ina kaya malapit po sa puso ko ang Bicol”, dagdag pa ni Revillame na mas kilala sa pangalang “Kuya Will”.

Nakilala si Kuya Will dahil sa pagtulong nito sa mga mahihirap sa kanyang TV show.

Lubos naman ang pasasalamat ni dating VP Leni sa TV host at sa Manila Teachers Partylist sa kanilang donasyon.

“From the bottom of our hearts, we thank all those who answered our call for help.  Maraming maraming salamat po,” ani Mrs. Robredo.

Nangako naman si Revillame na tutulong sa lahat ng mga biktima ng kakamidad saan man sa Pilipinas.

“Araw-araw po ay tumutulong tayo sa ating show, e mas kailangan ng tulong ngayon ng mga taong ito na biktima ng delubyo”.

“Tawag lang po at darating ang tulong namin”, ayon pa kay Kuya Will.