REVITALIZED KASIMBAYANAN PROGRAM NG PNP INILUNSAD

CAVITE – MATAGUMPAY na nailunsad ng Cavite Police Provincial Office ang Revitilized Kasimbayanan Program na ginanap sa Imus Sports Complex sa Brgy. Poblacion, Imus City sa lalawigang ito kamakalawa ng umaga.

Pinangunahan ni Cavite Police Director Col. Christopher F. Olazo kasama ang lahat ng hepe ng pulisya sa mga bayan at lungsod ang nabanggit na programa na may layuning pagkaisahin ang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan tungo sa progresibo at mapayapang komunidad.

Kabilang din sa dumalo ay ang iba’t ibang religious group tulad ng Muslim community, non-government organization, Cavite Press Corps at ang Cavite Police Provincial personnel.

Bahagi ng programa ay ang Kasimbayanan audio visual production, pagpapahayag ng pledge of commitment and support, ceremonial signing sa Kasimbayanan board at paglalagay ng Kasimbayanan pins sa bawat dumalo sa nasabing okasyon.

Hindi naman nakadalo ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan partikular na ang mga alkalde o ang kani-kanilang representatives para saksihan ang nasabing programa.

Magugunita na matagumpay din nailunsad ng Philippine National Police Headquarters ang programang KASIMBAYANAN nitong nakalipas na linggo. MHAR BASCO