REWARD MONEY SA TIPSTER NG MAGTATAPON NG PATAY NA BABOY

reward money

UPANG mapanagot at masupil na ang  pagtatapon ng mga patay na baboy, nag-alok ang  pamahalaang lokal ng Marikina City ng reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng  mga magtatapon nito sa Marikina River.

Ayon kay  Marikina City Mayor Marcelino Teodoro,   umaabot sa P200,000 ang ibibigay na reward money na magmumula sa kanyang sariling bulsa.

Layunin nitong  makatulong para matukoy kung sino ang nagtapon ng mga patay na baboy sa nasabing ilog na sa kabuuan ay umaabot na sa 58  ang nakitang palutang-lutang sa Marikina River.

Nauna rito ay nagbabala si Agriculture Secretary William Dar  magiging  sanhi ng  pagkalat ng sakit ang mga itinapong patay na baboy kaya idiniin  nito na maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin ng P1,000 hanggang P5,000 ang sinumang mahuhuli.

Sinisi ng DA ang pagkalat ng ASF sa bansa sa pagpapakain sa mga alagang baboy ng mga tira-tirang pagkain mula hotel at restaurant.

Samantala,  aminado si Senador Christopher Bong Go na wala pang  naitatayong help desk  kaugnay sa epekto ng  African Swine Fever sa mga hog raiser.

Sinabi ni Go na  kailangang paigtingin ang  food security protocol  ng bansa partikular sa pagpasok ng  ASF sa bansa.

Kailangan ding  ayusin ang disposal sa mga namamatay na baboy at huwag basta-basta itatapon kung saan-saan para maiwasan ang pagkalat pa ng  naturang  sakit.

Bagaman walang direktang epekto ito sa tao, dapat pa ring  ayusin ang pagtatapon ng mga patay na baboy  para hindi na-man magdulot ng matinding  takot sa publiko na makaaapekto sa mga magbababoy. VICKY CERVALES

Comments are closed.