REWARD SYSTEM ITINANGGI NG PDEA

ITINANGGI kahapon  ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na binibigyan  nila ng reward or pabuya ang kanilang mga tauhan na nakakapatay ng mga nasasangkot sa bawal na droga.

Ito ang ginawang  paglilinaw ni PDEA PIO Chief Dir. Laurefel Gabales hinggil sa isyu na pagkakaloob ng rewards sa mga nakapatay sa mga suspek o mga sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Pinaliwanag pa ni Gabales na may Ope­ration Private Eye at Operation Lawmen ang PDEA na nagsasagawa ng lehitimong operasyon kontra droga.

Sinasabing may polisiya ang ahensiya patungkol sa mga mi­yembro ng PDEA na nakakapatay sa panahon ng operasyon at ang pagbibigay naman ng rewards ay alinsunod sa batas at polisiyang bina­langkas at ipinatutupad ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Mariin din sinabi ni Gabales, kanilang sinusunod ang polisiya ng pamahalaan na pairalin ang karapatan ng sinumang mahuhuli na may kinalaman sa bentahan at pagpapakalat ng droga sa bansa.

Bukod dito, nagdagdag sila ng mga programa para mapabago ang takbo ng buhay ng mga gumagamit ng droga kasabay ng pagdaragdag ng mga rehabilitation center sa buong bansa.

Higit sa lahat hindi umano polisiya ng administrasyon Marcos ang state sponsor killing or extra judicial killing sa kanilang kampanya kontra droga.

VERLIN RUIZ