REYES, CHUA LUMANGOY NG TIG-5 GINTO SA ROTC GAMES LUZON LEG

DASMARINAS, Cavite — Winalis nina Kirk Dominique Reyes at Janelle Kyla Chua ng De La Salle University-Manila ang lima nilang swimming events sa Philippine Navy bracket ng 2nd Philippine Reserve Officers
Training Corps (ROTC) Games Luzon NCR Leg kahapon dito.

Nilangoy ng 19-anyos na si Reyes ang kanyang huling dalawang gold medals sa boys’ 50m breaststroke sa bilis na 32.14 segundo at sa 100m butterfly sa tiyempong 1:02.65.

“Iyong langoy ko ngayon puwede na pero kaya ko pang lakasan. Sa susunod sa National Finals kaya kong bilisan,” sabi ni Reyes, na nanalo sa 200m Individual Medley, 200m breaststroke at 50m butterfly noong Martes.

Nakatakda ang 2nd ROTC Games National Finals sa Agosto 18-24 sa Indang, Cavite.

Ang mga gold at silver medalists sa 14 sports events ay awtomatikong maglalaro sa National Finals ng ROTC Games na konsepto ni Sen. Francis Tolentino, katuwang ang Department of National Defense, Commissioner on Higher Education at Philippine Sports Commission.

Nadomina ng 19-anyos ding si Chua ang girls’ 50m breaststroke sa oras na 41.70 segundo at ang100m butterfly sa bilis na 1:11.19 para idagdag sa pinagreynahang 100m freestyle, 50m butterfly at 50m backstroke events.

Nilangoy ni Keannashaira Milar ang kanyang ikatlo at ikaapat na ginto sa girls’ 100m backstroke (1:32.54) at sa 200m backstroke (3:32.53) sa Air Force unit.

Ang pangatlong gold ay inangkin nina Army cadets Alvin Marticion, Mitzie Llegunas at Grazieli Burgoz sa boys’ 100m butterfly (1:06.09), girl’s 200m freestyle (3:01.45) at girls’ 100m backstroke (1:24.34), ayon sa pagkakasunod.

Sa Cavite State University (CvSU) track oval, naghagis si Christine Ramos ng Fullbright College ng 7.97m para kunin ang ginto sa women’s shot put sa Air Force unit, habang nanalo si Ann Katherine Quitoy (9.16m) ng La Salle sa Navy at si Divine Bacus (9.10m) ng PUP sa Army.

Panalo ng ginto sa men’s long jump sina Zoren Lepalam (6.24m) ng Rizal Technological University sa Army; Lester Jade Gabuco (5.22m) ng Fullbright College sa Air Force; at Luke Salamante (5.77m) ng Manuel Enverga University Foundation sa Navy.

Sa women’s 200m, wagi ng gold sina Audrey Abigail Latag (34.1sec) ng Philippine State College of Aeronautics sa Air Force; Geremae Domalanta (26.8sec) ng Virgen Milagrosa University Foundation sa Navy; at Janice Patdu (27.4sec) ng Don Honorio Ventura State University sa Army.

Sa men’s 200m, naghari sina Rommel Gonzales (24.0sec) ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa sa Air Force; Guha Garcia (22.0sec) ng Virgen Milagrosa University Foundation sa Navy; at Maynard Guillermo (22.5sec) ng University of Baguio sa Army. CLYDE MARIANO