REYES CUP SASARGO NA (Team Asia vs Team Europe)

PANGUNGUNAHAN ni Johann Chua, na kapapanalo lang sa Hanoi Open, ang Philippine billiards legend Efren “Bata” Reyes’ Team Asia sa inaugural Reyes Cup na sasargo ngayong gabi sa Ninoy Aquino Stadium.

Nagpahayag si Chua ng excitement para sa Reyes Cup, kung saan makikipagsanib-puwersa ang 32-year-old Filipino star kina compatriot Carlo Biado, Singapore’s Aloysius Yapp, Chinese Taipei’s Ko Pin Yi at Vietnam’s Duong Quoc Hoang para sa battle for supremacy laban sa pinapaborang Team Europe.

“Karangalan na makapaglaro para dito sa harap ng mga kababayan,” sabi ni Chua.

Matapos ang ilang taong pagkabigo, sa wakas ay nagkampeon si Chua, kinuha ang Hanoi Open 9-ball crown makaraang gapiin si Ko Pin Yi, 13-7, sa finals noong Linggo ng gabi.

Mula sa pagiging magkalaban, sina Chua at Ko ay magiging teammates para sa Team Asia, na mahaharap sa mabigat na hamon laban sa Team Europe, na nananatiling malakas sa kabilw ng pagkawala ng isa sa top cue artists ng kontinente.

Ang tagumpay ni Chua sa Hanoi ay kumumpleto sa remarkable journey—mula sa World Championship semifinals sa European Open final, at ngayon ay maglalaro sa harap ng inaasahang malaking home crowd sa Reyes Cup.

Para kay Chua, walang magiging pressure dahil nais ng Bacolod native na i-enjoy ang laro.

Pangungunahan nina Scotland’s Jayson Shaw, Denmark’s Mickey Krause, Albania’s Eklent Kaci, Spain’s David Alcaide, na kinuha ang puwesto mula kay Germany’s Joshua Filler, na umatras sa Reyes Cup noong nakaraang October 2, at Francisco Sanchez Ruiz ang Team Europe, kung saan team captain si Karl Boyes ng England.

Susundan ng Reyes Cup ang format ng prestihiyosong Mosconi Cup, na pagsasamahin ang dalawang elite teams sa apat na gabing kumpetisyon.

May kabuuang 21 matches, kabilang ang singles at doubles, ang lalaruin, kung saan ang bawat laro ay race-to-five.

Ang unang koponan na makaka-11 points ang magwawagi sa inaasahang mahigpit na bakbakan sa pagitan ng dalawa sa world’s strongest teams. CLYDE MARIANO