DAHIL sa sunod-sunod na naman na reklamo hinggil sa hindi gumaganang RFID readers sa mga expressway tulad ng NLEX, SLEX, SCTX, TPLEX at Skyway, kaya ipatatawag ni Benguet Congressman Eric Yap ang pamunuan ng mga naturang expressway company sa Kongreso.
Ayon kay Cong. Yap, “we will simply ask them, kailan ninyo mape-perfect yang RFID na yan”?
“Sa halip na ginhawa ang dulot, aba’y perwisyo dahil marami na namang toll booths nila ang hindi gumagana ang RFID kaya pila ang mga sasakyan,” ani Yap.
Ayon sa mambabatas, pati siya ay biktima ng problema dahil tuwing Biyernes ay umaakyat siya ng Benguet at dumadaan siya sa Skyway, NLEX, SCTEX, at TPLEX.
“Pag akyat ko pa lang sa Skyway, may dalawang booth dyan malapit sa Quezon Avenue ang hindi nakakabasa ng RFID,” ayon kay Yap.
Dagdag pa niya, “pagpasok naman ng Balintawak sa NLEX, sira ang ilang RFID reader kaya pila uli mga sasakyan.”
“Ganun din sa SCTEX at TPLEX ang problema. Kaya sa halip iikli ang biyahe, tumatagal na naman ng isang oras dahil sa pila sa mga booth,” pahabol ng mambabatas.
“Mukhang low tech o mumurahing RFID readers ang binili ng mga kumpanyang ito,” aniya pa.
“Malayong-malayo sa RFID ng Singapore o Japan o HongKong ang RFID natin dito sa Pilipinas”, ayon kay Yap.