RFID SYSTEM SUSPENDIHIN HANGGANG SA ENERO 2021

RFID

UMAPELA si House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman at Quezon City Rep. Precious HipolitoCastelo na suspendihin muna ang implementasyon ng radio frequency identification (RFID) hanggang sa susunod na taon.

Humirit si Castelo sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng RFID system sa mga tollway hanggang sa Enero 1, 2021.

Paglilinaw ni Castelo, suportado niya ang programa lalo pa’t layunin nito ang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 pero hindi naman, aniya, sapat ang hanggang Disyembre 1 para makasunod ang libo-libong motorista sa pagpapalagay ng RFID.

Naniniwala ang lady solon na ang isang buwang pagpapaliban sa implementasyon ng cashless at contactless system sa mga tollway ay makapagbibigay sa napakaraming motor vehicle owners ng sapat na panahon para makapagpadikit ng RFID stickers.

Hindi, aniya, maitatanggi na marami pa ring mga motorista ang wala pa ring RFID stickers bunsod ng kakaunti lamang ang mga tauhang nagdidikit ng stickers at napakahaba ng pila sa mga installation site and toll plaza.

Inirekomenda ni Castelo sa mga toll operator na maglagay ng offsite installation sa mga opisina, malls, gasoline stations, villages at iba pang pampublikong lugar upang mapabilis ang pagdidikit ng  RFID stickers. CONDE BATAC

Comments are closed.