RICE ALLOWANCE NG PNP NILINAW

NASA P650 kada buwan lamang ang dapat na matanggap na rice allowance ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Subalit, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo, mayroong nabigyan ng P700 at dapat itong itama.

Ipinaliwanag ng PNP na ang kinolektang P50 para sa rice subsidy ng mga pulis noong buwan ng Mayo at Hunyo ay para mabawi ang sobrang naibigay na rice subsidy noong Enero at Pebrero.

Nilinaw ni Fajardo, ang aprubadong rice subsidy ng mga pulis sa national budget para sa Fiscal Year 2024 ay nasa P1.69-B o katumbas ito ng 20 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P650 kada buwan para sa bawat pulis.

Sinabi ni Fajardo na mas mababa ito sa P700 kada buwan na inilaan para sa buwanang rice subsidy sa mga nakalipas na taon.

Paliwanag ni Fajardo na dahil sa sobra ng P50 ang P700 rice subsidy na naibigay noong Enero at Pebrero sa aprubadong P650, kailangang kolektahin ng PNP ang kalabisan sa mga nakatanggap upang ayusin ang rice subsidy.
EUNICE CELARIO