PARA agad matugunan ang problema ng mga mahihirap sa buong bansa dahil sa mahal na presyo ng bigas at iba pang mga bilihin, mamimigay ng cash ayuda ang Kongreso at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga darating na araw.
Magsisimula sa Metro Manila ang tinaguriang “Malaya Rice Project” sa susunod na linggo na aabot sa higit 3 milyong indibidwal sa buong bansa ang inaasahang makakatanggap ng ayuda mula sa sektor ng mahihirap, senior citizen, person with disability, single parent, at indigenous person.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, “this is an initiative of the House and the DSWD para agad matulungan ang mga naghihikahos na mga kababayan natin habang inaayos ng pamahalaan ang long term solution sa kagutuman at mahal na bilihin”.
“Tulad ng mga sinabi ko noon, batid ng pamahalaan ang paghihirap ng mga kababayan natin kaya ginagawan agad natin ng paraan para maibsan kahit papaano ang kanilang paghihirap”, ayon pa kay Speaker Romualdez”.
Sa naturang programa, P1,500 cash ang matatanggap ng bawat benepisyaryo.
P570 mula sa naturang cash assistance ay dapat ibili ng 15 kilos ng bigas na nagkakahalaga lang ng P38 per kilo. Ang murang bigas ay ititinda sa labas ng mga pay out centers sa araw na iyon.
Ang natitirang P930 ay pambili o panggastos nila sa iba pang pangangailangan.
Ang mga benepisyaryo ay manggagaling sa iba’t-ibang distrito ng Pilipinas mula sa listahan na isusumite ng mga kongresista.
“Hindi titigil ang pamahalaan na tulungan ang mga mahihirap sa mga panahon na ito dahil ngayon nila mas kailangan ng tulong”, pagsisiguro ni Romualdez.
Pahabol pa ng lider ng kongreso, “we will always be here at handang tumugon sa mga kailangan nila”.