NANAWAGAN si Senadora Imee R. Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang rice importation sa bansa dahil sa matinding dagok sa mga mahihirap na magsasaka.
Ito’y matapos na madiskubre ni Marcos sa budget hearing ng Department of Agriculture (DA) na nakaimbak ngayon sa mga warehouse ng rice traders ang sangkatutak na imported rice na binili sa ilang rice-producing countries sa Asya.
Sa datos ng DA, ang top 5 na bansang suppliers at exporters ng bigas sa Filipinas ay ang Thailand, Vietnam, India, China at Pakistan.
Aniya, lubhang naapektuhan na ang kita ng mahihirap na magsasaka dahil bumaha nang husto ang bigas matapos na ipatupad ang Rice Tariffication law na nagpapahintulot sa unlimited rice importation.
Dahil dito, nakikiusap si Marcos sa Pangulo na ihinto muna ang importasyon at ipaubos na muna ang mga nakatambak na bigas hanggang sa katapusan ng Disyembre ngayong taon.
“Nananawagan ako kay Pangulong Duterte na mapatigil muna ang importasyon ng bigas. Maraming dahilan para huwag muna tayong mag-import, dagdagan ng buwis. Patawan ng 800 percent na buwis, like Japan and Korea, they do that. Magpatupad ng mas mahigpit na sanitary and phytosanitary measures sa bigas, gaya ng ginagawa ng ibang bansa sa saging, pinya at sa lahat ng produkto ng Filipinas,” pahayag ni Marcos.
Binigyang-diin pa ng senadora na may kartel na nga sa pagpupuslit ng tone-toneladang bigas, may ‘raket’ pa ngayon ang ilang tusong rice traders sa bayaran sa warehouses.
Sa ilalim ng batas, pinahihintulutan na ang importasyon ng bigas pero may kapangyarihan ang Pangulo na ipatigil ito kung nasasagasaan na ang kita ng mga magsasaka sa bansa.
“Even without amending the Rice Tariffication law, tigil na pansamantala ‘yang importation hanggang end of the year, hanggang mabawasan ang laman ng mga bodega, I want to say puwede ba tigilan na ang pag-import ng bigas hanggang maubos na ‘yan, kasi eto na ang main crop, ngayon na ang panahon ng anihan,” giit ni Marcos. VICKY CERVALES