KAKAILANGANING mag-angkat ng karagdagang bigas ang Filipinas sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar matapos aniyang mawalan ng tinatayang walong araw na suplay ang bansa bunsod ng pananalasa ng tatlong magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Dar, umabot sa halos P12.3-bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses kung saan mahigit 39 porsiyento rito ay mga palay at bigas.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dar na sapat pa rin ang kasalukuyang suplay ng bigas sa bansa na tatagal ng 82 araw.
“Presently, we can say that about 8 days of rice consumption had been damaged and with our inventory, we still have 82 days to last, so marami po tayong bigas sa bansa,” aniya.
Sinabi ng kalihim na target sana ng ahensiya ang 93 percent rice sufficiency sa susunod na taon.
Gayunman, dahil sa nagdaang bagyo, posibleng maabot lamang nila ang 89 percent hanggang 90 percent rice sufficiency.
“Yes, that’s a given because we are not able to produce 100 percent yet.”
Comments are closed.