SINIGURO ng Department of Agriculture (DA) na kanilang bubusisiin ang sistema ng rice importation sa bansa kung isa ito sa mga sinasabing dahilan kung bakit nagrereklamo sa mababang presyo ng palay ang ilang magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kanyang pinagsusumite na ang rice traders ng dokumento ng kanilang mga inangkat na imported na bigas upang malaman kung nagkaroon ng sobrang importasyon ng bigas kumpara sa pangangailangan ng bansa.
Ipinaliwanag ni Dar na ang resulta umano ng imbestigasyong kanilang isasagawa ang magiging basehan kung magpapatupad ang DA ng general safeguard duty sa rice importation.
Pahayag pa ng DA chief na kung sakali mang makumpirma na sobra nga kaysa sa kailangan ng bansa ang mga inangkat na bigas ng rice traders ay hindi sila mangingiming magpataw ng mas mataas na taripa sa mga ito lalo na kung mapapatunayan na mas mababa ang presyo ng mga imported products kaysa sa normal value nito sa lokal na industriya ng bigas.
Nabatid na ang naturang hakbangin ay nakasaad din sa Anti-Dumping Law na umiiral at sinusunod sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.