TATAGAL hanggang Hulyo ang mas mabilis na pagtaas sa presyo ng bigas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference, iniulat ni PSA chief Claire Dennis Mapa na ang rice inflation rate ay bumilis sa 24.4% noong Marso mula 23.7% noong Pebrero.
Ito na ang pinakamabilis na inflation print para sa bigas sa loob ng 15 taon makaraang maitala ang rice inflation sa 24.6% noong February 2009.
Ayon kay Mapa, ang patuloy na double-digit increase sa rice inflation ay dahil sa mababang base effect na naitala noong January hanggang July 2023, noong ang inflation para sa agricultural products ay medyo mababa.
“Our expectation is it will increase strongly until July because of [low] base effect… unless there is an intervention that will happen in the market that will bring down prices,” paliwanag ng PSA chief.
“We expect that in August it will gradually slow down,” aniya. Ayon sa PSA chief, sa monitoring ng Statistics agency, ang average prices ng tatlong pangunahing klase ng bigas — regular milled, well-milled, at special— ay nagtala ng mas mataas na year-on-year increments.
Ang average price ng regular milled rice ay nasa P51.11 kada kilo noong March 2024, tumaas mula P39.90 kada kilog noong March 2023.
Samantala, ang average price ng well-milled rice ay nasa P56.44 kada kilo mula P44.23 kada kilo year-on-year.
Ang average price ng special rice ay P64.75 kada kilo noong nakaraang buwan mula P54 kada kilo noong March 2023.