RICE MILLERS, TRADERS IMBESTIGAHAN

RICE MILLERS

KINALAMPAG ng isang mambabatas ang Philippine Competition Commission (PCC) para siyasatin ang patuloy na pamamayagpag ng rice cartel sa kabila ng pag- iral ng Rice Tariffication Law.

Pinasisilip ni Marikina Rep. at Asst. Minority Leader Stella Luz Quimbo ang posibleng pag-abuso at paglabag sa batas ng ilang rice millers at traders sa bansa.

Sa pahayag ni Quimbo na bagama’t positibong pangyayari ang 2.9% na pagbaba ng presyo ng bigas, nakababahala naman ang 17.48% na pagbaba ng ha­laga ng palay na binibili sa mga lokal na magsasaka.

Aniya, posibleng ang mababang halaga ng palay sa mga lokal na magsasaka ang dahilan ng mababa ring presyo ng bigas.

Anang kongresista, maaa­ring may paglabag sa Section 15 ng Philippine Competition Act na nagtatakdang hindi dapat maabuso o mapagsamantalahan ang mga rice farmer.

Ayon naman kay Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., maaaring nababarat nang husto ngayon ang mga magsasaka at tinatakot na kung hindi gagawing mura ang bentahan ay mas pipiliing mag-import na lang ng bigas.

Iginiit ni Garbin na kaila­ngang muling masuri ang safeguards sa implementing rules and regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law.

Pinasisilip din ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) kung ito ba ay talagang napakikinabangan na pangsuporta sa mga maliliit na magsasaka.    CONDE BATAC

Comments are closed.