RIZAL- INARESTO ng mga tauhan ng Antipolo police office ang isang babaeng buntis habang tinatanggap nito ang P100,000 marked money na pambayad sa bigas na idinideliver nito sa mga biktima na triple ang baba ng halaga kumpara sa mga nabibili sa palengke.
Sa pahayag ni Col. Jun Paolo Abrazado, hepe ng Antipolo police force, ang suspek ay nakilalang si Riza Baderan Escuton, 26-anyos at residente ng Poblacion , Antipolo City.
Ayon sa mga biktimang sina Josephine Plarisan, Rio Azurin at Grace Aristo, pawang rice dealers ay inalok ni Escuton ng first class na bigas na mas halos 50 porsiyento ang baba ng presyo kumpara sa mga itinitinda sa palengke.
Naengganyong kumuha ang mga biktima at iba pang dealers nang magdeliver ang suspect sa mga order nilang bigas.
Ayon sa mga biktima, maayos na naibigay ni Escuton ang una, ikalawa at ikatlong deliver nitong bigas sa iba pang dealers kung kaya’t nadagdagan pa ang kanilang bilang na umabot na sa milyong piso ang halaga ng transaksyon.
At dito na nagsimula ang pag- aalala ng mga dealer nang hindi na dumating ang kanilang mga order na umabot sa puntong hindi na nagpakita si Escuton.
Kahapon dakong alas-10 ng umaga isang rice dealer ang umaktong poseur buyer ang sinipot ni Escuton sa isang restaurant at dito na siya inaresto ng pulis nang maiabot na sa kaniya ang marked money.
Nahaharap sa kasong large scale estafa si Escuton at walang inirekomendang piyansa ang pulisya.
ARMAN CAMBE