UMAPELA si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang Rice Tariffication Bill.
Mariing iginiit ng kongresista na hindi ito solusyon sa problema sa suplay ng bigas ng bansa kundi magdudulot lamang ito ng pagiging over dependent ng Filipinas sa imported rice.
Paliwanag ni Zarate, kung ang katwiran ng pamahalaan ay tulungan ang local farmers, maaari namang gawin ng gobyerno ang pagbili sa palay ng mga lokal na magsasaka sa P20 per kilo na halaga nang walang Rice Tariffication Bill.
Sa halip na matulungan ang mga magsasaka sa bansa, ang Rice Tariffication Bill ang papatay sa hanapbuhay ng mga magsasaka dahil babahain tayo ng mga imported na bigas at magbubunga pa ito ng pagtaas ng presyo.
Matutulad aniya ang bigas sa langis na dedepende ang presyo base sa suplay sa international market.
Babala pa ng mambabatas, mataas na ang presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa TRAIN Law, lalo pang tataas ito dahil sa Rice Tariffication Bill. CONDE BATAC