TINIYAK ni Senate Committee on Agriculture chairman Cynthia Villar na bago matapos ang taon ay maisasabatas na ang rice tariffication bill.
Ito ang siniguro ni Villar, kasunod ng paglusot sa Bicameral conference committee ng rice tariffication bill na target ratipikahan ng Kongreso sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, dismayado naman si Villar na may mga grupo na nagpapakalat ng negatibong impormasyon na makakasama sa mga magsasaka ang rice tariffication.
Aniya, pinag-aralan nilang mga mambabatas na mabuti ang panukala bago ito ipinasa at sinigurado nila na pakikinabangan ito ng mga magsasaka.
Idinagdag pa ng senadora, nakapaloob sa rice tariffication bill na ang 35 percent na buwis na kokolektahin sa mga importer ng bigas taon-taon ay gagamiting tulong sa mga magsasaka.
Iginiit pa nito, ang rice tariffication bill ay solusyon sa mataas na inflation rate dahil maibababa nito ang presyo ng bigas.