RICH BUBUWISAN MGA LUPAIN, ARI-ARIAN

DAPAT  na pagbuwisin ang mayayaman sa kanilang malalaking mga lupain at ari-arian nang naaayon sa Saligang Batas upang makaipon ng salapi ang bansa para sa maseselang serbisyo publiko.

Panukala ito ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda.

Ipinaliwanag niyang malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na ang sistema sa pagbuwis ay dapat progresibo na ang ibig sabihin ay higit na malaki dapat ang binabayarang buwis ng mayayaman.

Mananatiing chairman si Salceda ng ‘tax panel’ ng Kamara. Sinabi niya na ang pinakamakatwirang pagbubuwis ng mayayaman ay sa pamamagitan ng kanilang hindi gumagalaw na yaman gaya ng mga lupain, at maluhong paggastos sa mamahaling mga bilihin.

Sinabi niyang malapit na niyang ihain ang ganitong panukalang batas sa Kamara. Marami na siyang binalangkas na mahahalagang panukala sa pagbubuwis na mga batas na ngayon, gaya ng ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 1 and 2’ at ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).’

Inakda rin ni Salceda ang ilang iba pang panukalang batas na nakabinbin pa sa Kamara na ang karamihan ay idinepklara ni Pangulong Marcos na ‘priority measures’ sa kanyang unang ‘State of the Nation Address (SONA)’ nitong nakaraang ika-25 ng Hulyo.

“Ang pinakamabisang paraan sa pagsingil ng buwis sa mayayaman ay sa pamamagitan ng mga lupang yaman at sobrang maluhong paggastos. Kailangan lang na matukoy natin ang wastong paraan upang malaman ang tunay na halaga ng kanilang mga ari-arian sa ilalim ng ‘Real Property Valuation and Assessment Reform Act’ at balansehin natin ang epekto sa may-ari ng maliliit na lupa,” diin niya.

Ayon kay Salceda, magpapanukala rin siya ng mga pagbabago sa naturang batas para hindi maging mabigat ito sa may-ari ng mga sakahing lupa sa tamang panahon. “Ipapanukala ko rin ang mga insentibo sa mamahaling mga lupain dahil nga mahal ang buwis na babayaran nila dito,” dagdag niya.

“Tungkol naman sa buwis sa sobrang maluhong paggastos, kailangang dagdagan ang lista ng mga hindi naman gaanong mahalagang mga bilihin sa ilalim ng Section 50 ng Tax Code gaya ng mamahaling mga relos, bags at mga pampaganda, na maaari nating itaas ang buwis sa 25% mula 20%,” dagdag niyang paliwanag.

Tinantiya ni Salceda na ang “merkado ng mga mamahaling bilihin sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng P71 billion, na maaaring panggalingan ng mga P12 milyon hanggang P18 milyong buwis para sa gobyerno.”

Tinitingnan na rin ang pagtanggal sa “’excise tax exemption’ sa mga ‘pickup’ na trak at ang tawad na buwis sa mamahaling ‘hybrid cars,’ dagdag niya.

Kaugnay naman sa kita, sinabi ni Salceda na isang kilalang ekonomista, na maaaring babaan ang ‘top marginal tax rate’ sa 40% ng mga kumikita ng mahigit P15 isang taon, ngunit dahil madali imanipula ang kita sa ‘stock options and other non-cash methods,’ naniniwala akong hindi kapaki-pakinabang na paraan ito,” dagdag niyang paliwanag.

Sinabi rin niyang tila hindi mabisa ang pagpataw ng buwis sa pera ng mayayaman “dahil ito’y pagpapataw ng buwis sa pupuhunanin” na hindi dapat dahil ang puhunan ang lumilikha ng mga trabaho at nagagamit sa mga pribadong impraestruktura at serbisyo na makaaapekto sa ekonomiya.