RICHARDSON ‘FASTEST WOMAN’ SA VIETNAM SEAG

HANOI – Nakakawala si Fil-American Kayla Richardson sa anino ng mas sikat na teammate na si Kristina Knott nang tanghaling ‘fastest woman’ sa 31st Southeast Asian Games sa My Dinh National Stadium dito.

Ang panalo ni Richardson sa 100-meter dash ay kasunod ng tagumpay ng women’s archery team nina Abby Bidaure at sister Pia, kasama si Phoebe Amistoso, sa team recurve sa Hanoi National Training Center at itinanghal si Johann Chua bilang bagong singles 9-ball billiards king sa Ha Dong District Sporting Hall.

Sa kabila na tatlong gold lamang ang napanalunan, ang Philippine contingent na suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission, na ang chairman, si William Ramirez ay nagdiwang ng ika-72 kaarawan kahapon, ay nanatili sa third place.

Sa kabuuan, ang Philippines ay may 37 golds, 45 silvers at 59 bronzes. Nakabuntot ang Indonesia na may 35-48-44 hanggang press time, habang ang Singapore ay may 35 golds din bukod sa 31 silver at 42 bronze medals sa fifth.

Ang host Vietnam ay hindi na maabot na may total haul na 118-72-69 para maselyuhan ang overall title na hinawakan ng Philippines noong 2019, anim na araw na lamang ang nalalabi sa biennial competition.

Si Richardson ay naorasan sa 100-meter race ng 11.6 seconds para madominahan ang 8-runner field na kinabilangan nina 200-m queen Shanti Pereira ng Singapore, na naorasan ng 11.62 seconds para tumapos sa ikalawang puwesto. Nagkasya si Thailand’s Supanich Poolkerd sa ikatlo na may 11.66 seconds.

“I can’t complain. I’m so grateful. It took me a lot to get here. I thank God for getting me here,” wika ni teary-eyed Richardson makaraang yakapin ang kapatid at fellow national athlete na si Kyla at amang si Jeff.

Naging bayani si Abby Bidaure, 20, sumabak sa kanyang ikalawang SEA Games, para sa Team Philippines, nang maasinta ang bullseye sa final arrow ng hoot-off para sa 10, may 10 segundo sa orasan, at pangunahan ang koponan sa 26-25 laban sa host squad.

Sinamantala ni Chua, 29, ang dalawang stunning miscues ni reigning US Open champion Carlo Biado tungo sa 9-6 victory at tanghaling bagong 9-ball billiards champion dito.

Ang 9-ball gold ay pangalawa ng Pinoy cue artists dito, makaraang magwagi si  Rubilen Amit sa  women’s side ng event noong Martes kontra Jessica Chan ng Singapore, 7-2, para sa kanyang ika-9 na  gold medal sa biennial event.

Tulad ng inaasahan ay tinambakan ng Gilas Pilipinas ang Singapore, 88-37, sa Than Tri Gymnasium para sa ikatlong sunod na panalo.

Samantala, ginapi ni teen tennis sensation Alex Eala si Malaysian Jo Leen Saw sa straight sets sa Hanata Tu Son courts sa Bac Ninh upang umusad sa semifinals ng mixed doubles katambal si Treat Huey.

“Won my very first ever SEA Games mixed doubles match. Thanks partner, Treat Huey! Also won my singles match today and moved to the semifinals. Laban PH!” anang 16-year-old Eala sa kanyang Facebook post.