RIDER, 1 PA TUMBA SA HARAP NG HOSPITAL

ROAD ACCIDENT-1

CEBU – NAABUTAN ni Kamatayan ang isang motorcycle rider at isa pang pedestrian sa harapan ng isang  pagamutan makaraang masagi ng passenger bus ang isang  motorsiklo kamakalawa ng tanghali sa Aragao.

Sa ulat ng Aragao Municipal Police Station, naganap ang sakuna bandang alas-11:17 ng tanghali na ikinasugat din ng tatlong iba pa.

Ayon kay Police Staff Sergeant Howard Minopas ng Argao Police Station, patay ang dalawa katao matapos mabangga ng bus ang isang motorsiklo sa Barangay Bato noong Biyernes ng tanghali.

Kinilala ang nasawi na sina Trinidad Quevido, 23, isang pedestrian; at  Marilou Campomanes, nasa wastong gulang at backrider ng motorsiklo makaraang mahagip ng bus ang  motorsiklo at mga  pedestrian  sa tabi ng lansangan.

Ayon kay Maynopas, kasama sa sugatan ang  motorcycle driver na si Jonard Malinao, 28; at da­lawa pang pedestrians na sina Miguelito Cortes, 26; at Mark Joefil Ceballos, 19 anyos.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang mga sugatang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng Arago PNP sa aksidente habang nakakasa naman ang kasong reckless imprudence resulting to homicide physical injuries laban sa driver ng  bus.

Lumitaw sa pagsisiyasat na tinangka  ni Malinao, na siyang driver ng motorsiklo, na mag-overtake sa sinusundang sasakyan subalit nabulaga ito nang makita ang paparating na passenger bus at sinubukang bumalik sa kanyang linya.

Subalit atrasado na umano  kaya nahagip sila ng bus at  sumemplang sa kalsada.

Sinubukan ding umiwas ng driver ng bus na masagi ang mga biktima subalit maging siya ay nawalan ng kontrol at sumadsad sa gilid ng kalsada at tumama sa tatlong pedestrians.

Kasalukuyang nakadetene ngayon sa Aragao PNP si Ryan James Alistre, 37-anyos na driver ng bus kaugnay sa kakaharapin nitong kaso. VERLIN RUIZ

Comments are closed.