RIDER, ANGKAS NIRATRAT

QUEZON-DEAD on the spot ang isang motorcycle rider at angkas nitong babae nang paulanan ng bala ng nag-iisang gunman sa Sitio Sambat, Barangay Talisay , Tiaong sa lalawigang ito kahapon ng madaling-araw.

Sa inisyal na report ni Col. Joel Villanueva, Quezon PNP provincial director, kasalukuyang iniimbestigahan pa ng kaniyang intel operatives ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ng salarin na ayon sa mga nakasaksi sa pamamaril ay nasa edad 35-35 anyos.

Sa pahayag ng ilang nakakita sa insidente , ang rider na lalaki at kasama nitong babae ay kapuwa nakasuot ng asul na t-shirt , naka short na stripe ang una samantalang nakapajama naman ang angkas nito.

Ayon sa mga nakasaksi sa pamamaril, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang dumating ang mga biktima sakay ng isang Rusi motorcycle at huminto sa tapat ng isang tricycle.

Dito na umano biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang suspek at dinukot nito sa beywang ang dalang baril at sunod- sunod na pinagbabaril ang dalawa.

Ayon pa sa mga saksi, bahagya pang nakatakbo ang dalawa patungo sa gasolinahan subalit hinabol pa rin ito ng gunman at ilang ulit pang binaril ng malapitan.

Sinabi naman ni Col. Villanueva na masusi niyang pagtutuunan ng pansin ang naturang kaso.
ARMAN CAMBE