RIDER BUMANGGA SA POSTE NG SKYWAY

HINDI pinalad na makaligtas at binawian ng buhay ang isang lalaki na nagmamaneho ng isang motorsiko na may side car nang bumulusok ito sa bangekta matapos na bumangga sa isang konkretong poste ng skyway sa Pandacan, Maynila Biyernes ng madaling araw.

Isinugod pa sa Sta Ana Hospital ang biktimang si Wilbert Chan y Bandong, nasa wastong gulang at residente ng 119 P Ducos Street, Quiapo Manila subalit namatay habang ginagamot.

Sa ulat ni SSg Allen Christian M Camangon ng Manila Police District (MPD), dakong ala-1:30 ng madaling araw nang naganap ang insidente kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na may side car habang binabagtas ang tulay ng Zamora interlink southbound sakop ng Brgy 865 Pandacan, Manila.

Gayunpaman nang dumating sa isang pababang bahagi ng tulay ay bumangga ito sa isang konkretong poste ng Skyway dahilan upang nahulog ang biktima sa bangketa.

Isinugod sa ospital subalit dakong alas-3:18 ng madaling araw nang tuluyang bawian ng buhay. PAUL ROLDAN