RIDER TIMBOG SA OPLAN SITA

huli sa droga

KULUNGAN ang kinahantungan nang isang 44-anyos na rider matapos makumpiskahan ng baril-barilan at shabu nang tangkaing takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Airsoft pistol/ illegal possesion of firearm), paglabag sa RA 9165 at Art 151 of RPC (Disobedience) ang suspek na si Ramil Turba ng No. 32 Coleta St. Azicate Homes, Brgy. Gen T. De Leon.

Sa report ni SDEU investigator PEMS Restie Mables kay Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega, dakong alas- 11:30 ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng T. Conception St. Brgy. Marulas ang mga tauhan ng Sub-Station 3 sa pangunguna ni PSSg Jayson Enrile, kasama sina PCpl Alim Macud, PCpl Reynold Panao at PSSg Salvador Estaris sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Anthony Pinol Campado nang makita nila si Turba na nagmamaneho ng isang Honda Click motorcycle.

Nang parahin ni PCpl Macud ay hindi huminto ang suspek at sa halip ay tinangka nitong tumakas na naging dahilan upang agad itong harangin ni PSSg Enrile saka inaresto.

Nakita naman ni PCpl Panao na nakasukbit sa baywang ni Turba ang isang kulay silver na airsoft pistol (replica ng 45 caliber) kaya’t kinumpiska niya ito at nang kapkapan ay nakuha pa sa suspek ang isang aluminum tube na may kasamang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinata­yang nasa P680 ang halaga at drug paraphernalia. EVELYN GÀRCIA

Comments are closed.