BULACAN – ISANG rider ang dinakip ng operatiba ng 1st Bulacan PNP Provincial Mobile Force Company (PMFC) makaraang mahulihan ito ng isang pakete ng marijuana matapos pahintuin sa Oplan Sita dahil walang suot na helmet sa Sitio Looban, Barangay Tabang, Plaridel kamakalawa ng hapon.
Sa report na isinumite kay P/Col. Emma Libunao, Acting Bulacan police director, nakilala ang naarestong si Rhodel Santiago, 21-anyos, binata, electrician at residente sa nasabing bayan na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 makaraang makumpiskahan ng damo sa police checkpoint.
Bandang alas-11 ng tanghali nang magsagawa ng Oplan Sita ang 1st PMFC ng Bulacan PNP sa Barangay Tabang, Plaridel at kanilang pinara ang rider na si Santiago dahil wala itong suot na helmet, ngunit sa halip na huminto ay tinangka pa nitong takasan ang awtoridad habang lulan ng itim na motorsiklo.
Nang hingin ng awtoridad ang lisensiya ng biktima at Official Receipt at Certificate of Registration ng motorsiklo ay naging balisa na ang rider at nang hugutin nito ang dokumento ng motorsiklo sa kanyang coin purse ay biglang lumitaw ang isang pakete ng marijuana kaya inaresto ito at inimbentaryo sa harap ng kinakatawan ng DOJ, Media at Barangay Kagawad. MARIVICRAGUDOS
Comments are closed.