CAVITE – KAMATAYAN ang sinapit ng riding-in-tandem makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa center island ng Molino Blvd. sa Barangay Niog 2, Bacoor City kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Jeiver Valerez at ang kaangkas na si Freddie Jun Billones y Gonzales ng #1291 Balangas St. Isidro, Makati City.
Sa inisyal na police report nina Pat. Marco Romero Cupo at Pat. Jofeth Kym Yap na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, magkaangkas sa Suzuki Raider 150cc ang mga biktima na patungong direksyon ng Maynila.
Gayunpaman, pagsapit sa kurbadang kalsada ay biglang sumalpok sa center island ang motorsiklong minamaneho ni Valerez kung saan tumilapon ang dalawa kasama ang kanilang sasakyan bandang ala-1:05 ng madaling araw.
Nakatanggap naman ng tawag sa telepono ang presinto ng pulisya kaugnay sa naganap na road crash na kinasasangkutan ng mga biktima na hindi na naisugod sa pagamutan. MHAR BASCO