KAPUWA idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang dalawang motorcycle riders nang sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa concrete beam na ilang araw nang nakatengga sa gilid ng isang tulay sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte.
Base sa police report ng Ilocos Norte Provincial Police Office, ang riding in tandem victims ay nakilalang sina Mark Villa at Gerald Daquigan.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng kapulisan na galing sa inuman ang mga nasawi at magpapagasolina sana nang maganap ang aksidente.
Sa lakas ng impact matapos sumalpok sa nakatiwangwang na concrete beam, ang mga biktima ay nagtamo ng malubhang sugat at pasa sa ulo at katawan.
Kasalukuyang inaaalam ng mga awtoridad kung may pananagutan ang contractor ng tulay sa nasabing sakuna.
Ipatatawag ito ng pulisya para makapaglagay sila ng road warning device, at kung maaari ay makatulong sila sa mga pamilya ng mga biktima. VERLIN RUIZ